^

PSN Opinyon

EDITORYAL — Panagutin ang PCG at may-ari ng bangka

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL — Panagutin ang PCG at may-ari ng bangka

KARANIWAN nang pagkatapos ng trahedya na marami ang namatay, ang kasunod ay ang pag-iimbestiga. Nangangako ang mga nag-iimbestiga na may mananagot kung bakit nangyari ang malagim na trahedya. Hindi raw titigil hangga’t hindi napaparusahan ang may kagagawan. Walang humpay daw na imbestigasyon ang isasagawa upang makamit ang hustisya.

Ganyan ang mga pinangangako sa malagim na trahedyang nangyari sa Laguna de Bay noong naka­raang Huwebes kung saan isang pampasaherong bangka ang lumubog na ikinamatay ng 27 katao. Overloaded ang bangka nang umalis sa Binangonan Port patungong Talim Island. Nasa kalagitnaan ng biyahe nang hampasin nang malakas na hangin. Nabali ang katig at lumubog. Hindi makalabas ang mga pasahero dahil sa trapal na nakasaklob dito.

Pitumpo ang tinatayang pasahero ng bangka nang lumubog gayung ang kapasidad lamang nito ay para sa 20 tao. Bukod sa mga sakay na tao, may kargang­ mga sako ng bigas at motorsiklo ang bangka. Walang life jackets ang mga pasahero, dahilan para marami ang malunod.

Ang nakapagtataka ay kung paano nakaalis sa port ang bangka na hindi ininspeksiyon ng mga tauhan­ ng Philippine Coast Guard (PCG). Ayon sa report­, dalawang miyembro ng PCG ang nakatalaga sa Bina­ngonan Port. Ayon sa mga nakaligtas na pasahero, walang nag-inspeksiyon na PCG sa bangka.

Kamakalawa, natuklasan naman na walang lisensiya ang kapitan ng bangka. Hindi ito awtorisado na magpatakbo ng bangka. Paano nakapag-operate ang bangka sa kabila na hindi lisensiyado ang kapitan. Paano nakalusot sa PCG ang walang lisensiyang kapitan? May pananagutan din ang Marina sa kawalang lisensiya ng kapitan.

Nagkakasa ng imbestigasyon ang Senado ukol sa malagim na trahedya. Nangangako na may mananagot at mapaparusahan. Sinabi na rin ito ng Senado noon pero wala ring nangyari sa imbestigasyon nila. Pawang nauwi sa balitaktakan at sa dakong huli ay wala ring nakamit na katarungan.

Sana naman sa pagkakataong ito ay may managot na. Malaki ang pananagutan ng Philippine Coast Guard at operator ng bangka sa nangyaring trahedya. Hustisya ang sinisigaw ng mga kaanak ng 27 namatay. Huwag ipagkait ang katarungan. Isilbi ito sa lalong madaling panahon.

vuukle comment

ACCIDENT

PCG

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with