^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Kaso ng dengue dumarami

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL - Kaso ng dengue dumarami

NAKABABAHALA ang pagdami ng kaso ng dengue­. Ayon sa Department of Health (DOH), 80,318 kaso ng dengue na ang naitatala mula Enero 1 hanggang Hulyo 15, 2023. Sa bilang na ito, 299 ang namatay. Ayon pa sa DOH, lahat nang rehiyon sa bansa, maliban sa Cagayan Valley, Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at Caraga ay tumaas ang kaso ng dengue sa nakalipas na apat na linggo. Ayon sa report, tumaas ng 16 percent ang kaso ng dengue at patuloy pa umano sa pagtaas.

Ang pananalasa ng Bagyong Egay sa maraming lugar sa bansa na nag-iwan nang malaking pinsala ay pinaniniwalaang magtataas pa sa kaso ng dengue parti­kular sa Gitna at Hilagang Luzon. Hanggang sa kasalukuyan, marami pang lugar ang lubog sa baha. Ang baha ay paboritong pangitlugan ng mga lamok na Aedes Aegypti at Aedes Albopictus na naghahatid ng dengue.

Kahapon, maraming bayan sa Bulacan at Pampanga ang lubog pa rin sa baha. Mahigit isang linggo nang lubog sa baha ang Calumpit, Bulacan at ang San Simon at ang Candaba, Pampanga. Hindi humuhupa ang baha sapagkat patuloy ang pag-ulan dahil sa habagat na pinalakas ng Bagyong Falcon. Nakalabas na ng bansa si Falcon subalit patuloy pa rin ang pag-ulan.

Kung saan maraming tubig, doon nabubuhay ang mga lamok. Mabilis dumami ang mga lamok kaya pa­alala ng DOH na maging alerto at wasakin lahat ang mga posibleng pangitlugan ng mga lamok. Karaniwang nangingitlog ang mga lamok sa basyong bote, mga paso ng halaman, tapyas na gulong ng sasakyan at mga kanal na hindi umaagos. Naninirahan din ang mga lamok sa mga damit na nakasampay sa mga madidilim na bahagi ng bahay.

Karaniwang mga bata ang nagiging biktima ng dengue kaya ipinapayo na pagsuutin sila nang mahahaba ang manggas na damit. Pagsuutin ng padyama o jogging pants kapag matutulog para makaiwas sa dengue.

Ipinapayo rin ang paggamit ng kulambo at ang 4s strategy. Ang 4s ay search and destroy breeding places, secure self-protection, seek early consultation at support fogging or spraying in hotspot areas.

Sintomas ng dengue ang mataas na lagnat na tuma­tagal ng isang linggo, pananakit ng ulo at mga kasu-kasuan, pagkakaroon ng pantal sa balat, at ihi na kulay kape. Kapag nakaranas ng mga sintomas, kumunsulta­ agad sa doktor.

Paigtingin ng DOH ang kampanya laban sa dengue. Pala­wakin ang pagbibigay ng kaalaman sa dengue para malipol ang mga lamok. Marami sa mamamayan ang kulang sa kaalaman sa mga lamok na naghahatid ng sakit at humahantong sa kamatayan. Kailangang ma-educate ang mamamayan para makaiwas.

vuukle comment

DENGUE

DOH

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with