^

Punto Mo

EDITORYAL - Kampanya vs korapsiyon kulang sa ngipin

Pang-masa
EDITORYAL - Kampanya vs korapsiyon kulang sa ngipin

KAPANSIN-PANSIN na sa nakaraang 2nd State of the Nation Address (SONA) ni President Fer­dinand Marcos Jr., wala siyang binanggit ukol sa paki­kipaglaban ng kanyang pamahalaan laban sa korapsiyon. Tumagal ng 1 oras at 10 minuto ang SONA pero wala siyang binanggit sa paglaban sa mga “hayok na buwaya” na naglulungga sa mga tanggapan ng pamahalaan. Ang problema sa korapsiyon ang dapat solusyunan para makabangon ang bansa sa karukhaan. Kapag hindi nasolusyunan ang problema sa korapsiyon, maraming Pinoys ang lalo pang sasadlak sa kahirapan.

Sa pinakahuling survey ng Pulse Asia na ginawa noong Hunyo 19-23, 2023, lumabas na 84 percent ng Pinoys ang gustong mapalakas ang paglaban ng gobyerno sa korapsiyon. Ibig lamang sabihin, mahina o walang ngipin ang pamahalaan sa paglaban sa mga korap. Ayon pa sa surbey, 47 percent ng mamamayan ang apektado ng problema sa korapsiyon.

Ipinakita sa surbey ang matinding pagnanais ng mamamayan na mapalakas ng pamahalaan ang paglaban sa korapsiyon sa mga tanggapan ng pamahalaan. Masyadong malaki ang 84 percent na nagnanais magkaroon ng ngipin ang gobyerno laban sa mga korap. Nakikita ang matinding sentimyento ng mamamayan na mahina ang kasalukuyang pamahalaan sa paglaban­ sa mga korap. Mahina ang kampanya para mahuli at makasuhan ang mga mandarambong. Pawang pag-iim­bestiga ang ginagawa subalit wala namang napaparusahan. Nauubos ang oras sa pagdinig sa Senado ng mga inaakusahang nagnakaw sa pera ng bayan pero wala ring nangyari. Ang inaasam ng taumbayan na maita­tapon sa kulungan ang mga “matatakaw” at “gahaman” ay hindi nagkaroon ng kaganapan. Sa halip na mapigilan ang korapsiyon, lalo pang lumala at ang mamamayan ang nagdurusa. Maraming mahihirap ang lalong naghirap ang buhay dahil sa malalang korapsiyon.

Nabatid din sa Pulse Asia surbey na 67 percent ang nagsabing nawalan na sila ng tiwala sa public officials dahil sa nangyayaring korapsiyon. Bukod sa corrupt practices kagaya ng paghingi ng suhol kapalit ng serbisyo, lumabas din sa surbey ang mahinang pag­deliber ng serbisyo sa publiko.

Talamak ang korapsiyon at ang ninanais ng mama­mayan ay maputol na ito. Hangad nila na magkaroon ng ngipin ang pamahalaan para malupig ang mga nagsasamantala sa pera ng bayan. Kung hindi magiging mabangis sa paglaban sa mga tiwali, mauubos ang laman ng kaban at lubhang kawawa ang mamamayan. Patindihin ang paglaban sa mga mandarambong at magsampol para maniwala ang taumbayan. Kasuhan at itapon sa piitan ang mga korap na nagpapahirap sa bayan.

vuukle comment

CORRUPTION

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with