^

PSN Opinyon

18 PNP officials sa drugs, kasuhan na

AKSYON NGAYON - Al G. Pedroche - Pilipino Star Ngayon

TULUYAN na raw sisibakin sa tungkulin ang 18 PNP officials na naghain ng courtesy resignation kay Presidente Bongbong Marcos dahil nadawit sa droga. Huwag lang sibakin kundi ipagharap na ng kaso ang mga iyan. Iyan ang ibig marinig ng taumbayan. Kasuhan na!

Kapag sinibak lang sa puwesto ang mga iyan, buhay hari pa rin sila kung totoo ang involvement nila bilang padrino o protektor ng mga drug syndicate. Mantakin ninyo na ang halagang nakapaloob diyan ay Php 6.7 bilyon. Sapat na iyan para sila mabuhay nang marangya habang sila ay nabubuhay. At anong malay natin, komo wala na sila sa serbisyo malamang ituloy nila ang career nila bilang full fledged drug lords.

Kaya kailangang mailapat ang hustisya at kung nagkasala sila ay pagdusahan sa bilangguan ang kanilang kasalanan. Mabuti nga at wala nang parusang bitay, suwerte sila. Kung sila’y nagkasala, para sa akin ay bitay ang dapat na parusa. Ngunit in fairness naman, kung sila ay tala­gang mapapatunayang walang sala at biktima lang ng sirkums­tansya, patas lang na ibalik sila sa serbisyo o kaya’y iretiro nang may benepisyo.

Ayon kay PNP chief General Benjamin Acorda, napag­kasunduan nila ni Presidente Marcos na tuluyan nang tang­galin sa serbisyo ang mga naturang opisyal. Tama lang naman iyan dahil kung suspensiyon lang habang nililitis, maaaring magamit pa rin ang kanilang natitirang impluwensiya para maabsuwelto.

Hindi ko sila hinuhusgahang guilty dahil hukuman lang ang may karapatang humusga. Pero kailangang tanggalan­ muna sila ng pangil habang nililitis ang kanilang kaso. Kaila­ngan lang ay mayroong isang patas na paglilitis para klarong mapatunayan ang kanilang kasalanan. Wika nga, “beyond reasonable doubt”. Kung hindi mapapatunayan, ibalik sa serbisyo o kaya’y bigyan ng karampatang danyos ng pamahalaan. Iretiro nang buung-buo ang makukuhang benepisyo.

Hindi kasi nawawala ang posibilidad na biktima sila ng frame up. Ngunit talagang naniniwala ako na ang pananatili ng  salot na droga sa lipunan ay bunga ng pakikipagsabwatan ng mga high officials lalo na sa police service na siyang nagpapatupad ng batas. Kung gagampanan ng bawat pulis ng tapat ang kanilang tungkulin, walang dahilan para mamayagpag ang salot na droga sa bansa.

 

vuukle comment

DRUGS

PNP

Philstar
x
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with